Digmaanni Nicko Caluya
Unti-unting lumilitaw ang araw.
Lumulusob ang libu-libong anino
patungo sa lungsod na nilulukubanng mga ulap. Inuusog ang kumot
na hamog, pinapalitan ng usok.Tinutusok ng mga palasong liwanag
ang bawat kalsada, kanal, sasakyan.Pagbitiw sa bingit ng katahimikan:
babangon muli ang mga katawan.(matatagpuan sa Heights Vol. 59 No.2 p. 8)
Buloy
ng Parokya ni Edgar
Hoy hoy, Buloy
Naaalala mo pa ba
Nun' tayo'y nagsasama?
Hoy hoy, Buloy
Naaalala mo pa ba
Ang iyong mga sinabi nung ako'y may problema?
Sabi mo, "lahat ng problema'y kayang lampasan,
Basta't tayo'y nagsasama, at nag-iinuman!"
Hoy hoy, Buloy
Naaalala mo pa ba
Nung ako ay na-"kick-out" kasi daw ako'y tanga? (TANGA! )
Hoy hoy, Buloy
Naaalala mo pa ba
Nung ako ay napalayas ng aking ama't ina?
Mangiyak-ngiyak na'ko pero sabi mo ay "Okay lang yan!
Basta't tayo'y nagsasama, at nag-iinuman!"
Kaya naman ako bilib sa iyo
Kasi parang napakatibay mo.
Lahat ng iharang ay kaya mong daanan
Basta't mayroong bentang alak diyan sa may tindahan!
Naaalala mo pa ba
Nung araw na na-dedo ang aso mong si Morlock?
Hoy hoy, Buloy
Naaalala mo pa ba
Nung ika'y tumawag sa'min at ika'y umiiyak...
Tapos pagkatapos no'n, kay tagal mong nawala.
Nagulat na lang ako nung narinig ko ang balita.
Akala ko pa naman na marunong kang magdala,
Nalaman ko na lang na ika'y nagpakamatay na...
Hoy Buloy
Nasaan ka man, siguradong kawawa ka, malamang walang alak diyan
Hoy Buloy
Nasaan ka man, siguradong hindi ka namin malilimutan
Hoy Buloy Buloy Buloy
Hoy Buloy Buloy Buloy
Hoy hoy, Buloy
Para bang nalimot mo na ang iyong mga sinabi nung ikaw ay buhay pa...
Karahasan. Isang salita na matagal nang inukit ng ating mga ninuno sa bato. Karahasan sa bansa, sa lipunan at sa sarili. Isang puwersa na kumakain sa kamalayan at pagmamalasakit ng bawat nilalang.
Ang tagpuan ng tula ni Nicko Caluya na Digmaan ay batay sa larawan ng isang lugar na winasak ng kaguluhan. Isang lungsod na pinuno ng mga bakas ng dugo. Isang lungsod na tila ay nakalimutan nang sikatan ng araw. Tinatalakay ng Digmaan ang karahasan sa bayan. Ang pagtutunggalian ng dalawang magkasalungat na puwersa upang mapasakamay ang kapangyarihan na bunga ng ganid at kasakiman. Sa kontemporari na panahon, laganap na sa lansangan ang malalagim na krimen. Ilan na lang dito ay ang pagpatay ng tao para lang makakuha ng pera. Ang ibang grupo naman ay nagsasagawa ng mga modus operandi para mahuthutan ng pera o ari-arian ang kanilang mga biktima. Ang nakakalungkot na isipin ay mga tao na nagpapatayan dahil lamang sa isang mababaw na hindi pagkakaintindihan.
Sa aming bayan, marami na rin ang naganap na karahasan. Isang araw, nang ako ay papunta na sa paaralan, ay may nakita kami ng aking mga kasama ng mga nakakumpol na tao. Dahil ususero iyong tsuper namin, naisipan niyang magtanong sa tao kung ano ang nangyari. May pinatay daw. Itinapon na lang sa kangkungan. Sa pagsasalaysay ng taong iyon ay parang wala lang sa kanya ang nangyari. Para bang normal lang sa kanya iyon.
Ang karahasan sa sarili ay labis ding nakakasira ng katauhan. Binabasag nito ang moralidad at kaayusan ng pag-iisip ng isang nilalalang. Nilalaman ng kantang Buloy ng Parokya ni Edgar ang pagharap at pagtapos ni Buloy sa kanyang problem. Ang tanging solusyon na naisip na lamang niya ay ang pagkitil ng sariling buhay. Malamang sasabihin ng iba na mahina o tanga si Buloy dahil hindi man lang siya nag-isip ng ibang paraan para sa kanyang problema. Oo, may kasalanan si Buloy ngunit mali na ipatong sa kanya ang lahat ng sisi. Responsibilidad din ng mga tao sa kanyang paligid na iparamdam sa kanya na may kaagapay sa pag-aayos ng kanyang mga hirap sa buhay. Kung ikaw ang tatanungin? Hanggang saan ang kaya mong dalhin na problema bago ka bumigay? Hindi natin alam kung ano man ang naging problema ni Buloy at kung gaano ito kabigat. Maaari na ang aksyon ni Buloy ay nahimok ng mga karahasan na kanyang nasasaksihan. Hindi lang si Buloy, ang ibang tao na ating nakakadaupang palad ay maaaring dumaranas din nito. Walang karapatan ang isang tao na husgahan ang kapwa batay lamang sa isang pagkakamali. Nakakalungkot isipin na sa isang lagitik ng baril, isang padaan ng kutsilyo sa katawan ay may mawawaksing buhay.
Dahil ba laganap na ang karahasan ay dapat na lamang ito pabayaan? Sa panahon natin ngayon, nasanay na ang mga tao karahasan. Hindi na nakakagulat na makita sa pahaygan o sa telebisyon ang balitang patayan o aksidente. Nakakalungkot isipin na manhid na ang karamihan sa mga nakapanlulumong pangyayari sa paligid. Sino ba ang malupit, ang tao o ang mundo o ang kapalaran? Hindi ba't binigyan tayo ng dunong at galing ng Maykapal upang maging pastol at tagapangalaga ng kapaligiran? Bakit parang tayo pa ang naghuhudyat ng kasiraan nito. Ito na ang panahon upang buksan natin ang ating mga malay at gamitin ang mga gawad na ipinagkaloob sa atin.
"You have not taken care of the weak. You have not tended the sick or bound up the injured. You have not gone looking for those who have wandered away and are lost. Instead, you have ruled them with harshness and cruelty." -Ezekiel 34:4


May kaunting pagkakamali na lang, tulad ng dapat ay "pinatay raw." Subalit dahil sa pagtatangkang maging kritikal sa pagsusuri sa dalawang magkaibang teksto, binibigyan kita ng +1 na LG para rito.
ReplyDelete